Kagaya ng mga kwentong minahal, binasa at sinubaybayan, ang nobela at maikling kwento ay parehong bumubuo sa makulay na anyo ng ating panitikan.
Bagama't parehong may hatid na karanasan, damdamin, at aral sa mga mambabasa, hindi rin maitatanggi na ang paraan ng kanilang paglalakbay sa puso at isipan ng mambabasa ay magkaiba.
Sa aking naunang diskusyon tungkol sa kahulugan at halimbawa ng nobela at pagtalakay sa maikling kwento sa makabagong panahon, akin namang ibabahagi ngayon ang nag-uugnay at nagbubukod sa dalawang anyo ng akda na ito.
{tocify} $title={Table of Contents}
Pagkakatulad ng Nobela at Maikling Kwento
Ang dalawang anyo ng panitikan na ito ay nasa anyong tuluyan. Pareho silang nagsasalaysay ng mga pangyayari.
Para sa mas malalim na pagkukumpara, narito ang komprehensibong detalye:
Tauhan at Tagpuan
Ang dalawa ay may mga tauhang madalas merong problema, suliranin, at pagbabago. May bida, kontrabida, at ilan pang uri ng tauhan.
Pareho din nilang nilalarawan ang tagpuan sa kwento gamit ang imahinasyon. Ang paggamit ng tamang salita ay nakakatulong sa pag-akma sa mga pangyayari at itsura ng mundong ginagalawan ng mga tauhan sa kwento.
Banghay at Tema
May malinaw na simula, gitna, at wakas ang parehong akda. Kapwa may temang tumatalakay sa buhay, lipunan, at damdamin ng tao.
Pareho ding ginagamit upang talakayin ang iba't ibang isyu sa lipunan at may pagkakataong sumasalamin sa realidad ng mundo.
Layon
Parehong naghahangad na maghatid ng aral at magbigay ng karanasan. Kung sa nobela ay unti-unting iniinog ang mundo ng mga tauhan, sa maikling kwento naman ay bigla kang isasama sa isang mahalagang yugto ng kanilang buhay.
May mensaheng nais iparating na siyang aantig sa puso ng bawat babasa sa kwento.
Sa madaling sabi, ang dalawang ito ay kapwa masining na pagsasalaysay ng mga pangyayari. Parehong nagmumula sa isip ng may-akda at naglalakbay patungo sa puso at isipan ng bawat mambabasa.
Pagkakaiba ng Nobela at Maikling Kwento
Haba at Saklaw
Sa nobela, di hamak na mas malawak ang saklaw ng kuwento. Nagtataglay ito ng maraming parte na nagpapakita ng iba’t ibang anggulo ng buhay ng mga tauhan.
Sa kabilang banda, ang maikling kwento naman ay mahaba pa rin naman pero mas maiksi siya kumpara sa nobela. Madalas na isang sulyap lamang sa isang makabuluhang pangyayari ang agad sasapol sa damdamin ng mambabasa.
Usad ng Kwento
Sa nobela, tila kasama ka sa kwento dahil dahan-dahan kang isinasama ng may-akda sa bawat detalye. Mararamdaman mo ang paghinga ng tauhan, ang paglipas ng panahon, at ang unti-unting pag-usbong ng bawat tauhan at pangyayari sa kwento. Hindi mo mababasa ang lahat sa isang upuan lamang maliban na lang kung ito ang gagawin mo maghapon.
Sa maikling kwento naman, sakto lamang ang daloy. Madalas na ang eksena sa kwento ay hindi kasindetalyado ng nobela. Kaya rin itong basahin sa isang upuan lamang. Gayunpaman, lubos ang bagsik at lalim ng mensahe.
Lawak ng Tema at Pagkilala sa Tauhan
Pagdating sa tema, madalas na maraming paksa ang iniikotan ng nobela. Hindi basta-basta nagkwekwento lamang sa iisang tema.
Mas malalim rin ang paghubog sa tauhan sa nobela. Halimbawa, makikilala mo hindi lang ang kanilang kasalukuyang buhay kundi pati ang kanilang nakaraan at hinaharap.
Sa maikling kwento naman, madalas na nakapokos sa iisang paksa ang kwento.
Pagdating naman sa tauhan, bagama’t mas maikli, naipapakita pa rin ang ugat ng kilos ng mga tauhan. Madalas na direktang inilalahad ang katangian ng bawat tauhan pagdating sa unang bahagi ng kwento.
Buod ng Pagkakatulad at Pagkakaiba
Nobela |
Maikling Kwento |
---|---|
Haba |
Haba |
Mahabang salaysay na nahahati sa maraming kabanata. |
Medyo mahabang salaysay pero mas maikli kaysa sa nobela. |
Saklaw ng Tema |
Saklaw ng Tema |
Malawak ang sinasakop na tema at maraming detalye. |
Madalas nakatuon sa isang tema lang. |
Pagkilala sa Tauhan |
Pagkilala sa Tauhan |
Masusing nilalarawan ang mga tauhan. Makikita ang pag-unlad ng mga ito. |
Mas limitado ngunit makulay pa rin at sakto lang ang pahlalahad sa mga tauhan. |
Bilis ng Daloy |
Bilis ng Daloy |
Mabagal at detalyado ang daloy ng salaysay. |
Mas mabilis ang daloy ng kwento at mga pangyayari kumpara sa nobela. |
Layunin |
Layunin |
Magbigay ng aral at mensaheng kapupulutan ng iba't ibang emosyon mula sa sari-saring isyu. |
Magbigay ng aral at mensahe sa mga mambabasa patungkol sa tema o iniikotang paksa. |
Huling Hirit
Mula sa mga depinisyon at halimbawa na ating tinalakay, malinaw nating mahihinuha na parehong makapangyarihang anyo ng panitikan ang nobela at maikling kwento.
Magkaiba man sa haba, saklaw, at paraan ng paglalahad, ang dalawang ito naman ay may magkamukhang layunin at yan ang iparamdam at ipaintindi sa atin ang iba’t ibang aspeto ng buhay.
Kumbaga, ang nobela at maikling kwento ay dalawang magkaibang daan ngunit parehas na patungo sa iisang destinasyon.
Patuloy nilang hinuhubog ang ating imahinasyon at pinapalalim ang ating pag-unawa sa ating lipunan, mundo, at maging ang ating buhay.