Bilang salamin ng lipunan, puso ng kasaysayan, at tinig ng damdamin, hindi lamang aliw at iba't ibang emosyon ang makukuha sa pagbabasa ng isang nobela. Parte na ito sa buhay ng maraming indibidwal lalo na sa kabataan.
Anuman ang edad. meron tayong napupulot sa bawat nobelang binabasa. Isa sa mga sikat na app sa internet kung saan mahilig magbasa ang mga tao ng nobela ay sa wattpad. Pagkatapos mabasa ang naging wakas ng nobela, may mga sumasang-ayon sa mga nangyari at meron ding hindi.
Ano nga bang meron sa mga ito at naeengganyo tayong basahin ang nilalaman? Meron bang halong kilig, drama, at marami pang iba? Ang mga katanungang ito ay ating sasagutin sa ating talakayan ngayon.
{tocify} $title={Table of Contents}
Ang Kahulugan ng Nobela at Papel nito sa Hinaharap
Ang nobela o novel sa salitang Ingles ay tumutukoy sa isang uri ng akdang pampanitikan na mas mahaba kaysa sa maikling kuwento. Naglalaman ito ng maraming kabanata o chapters at ang mga ito ay ginagamitan ng malalim na pagsasalaysay ng mga pangyayari.
Karaniwang binubuo ng iba't ibang mga pangyayari, tauhan, at mga tagpuan ang isang nobela. Binibigyang-diin nito ang pag-unlad ng bawat pangyayari at dahan-dahan nitong pinapakilala ng lubusan ang pagkakakilanlan ng mga tauhan.
Ito rin ay may kakayahang impluwensyahan ang mga mambabasa na maglakbay gamit ang imahinasyon. Dahil dito, nagdudulot ito ng ilang damdamin at karanasan sa mga indibidwal. Sa kasalukuyan, ganito pa rin naman ang naidudulot nito.
Kung iisipin natin, sa dami ng uso ngayon gaya ng social media, vlogs, at iba’t ibang produkto ng teknolohiya, may ibang hindi na alam na buhay pa ang pagbabasa ng nobela. Madalas na gumagawa nito ang mga bookworm at kabataan. Sa pagbabasa, napapaisip tayo. Tila may boses ang nobela na nagsasabing tingnan natin ang nangyayari sa ating paligid.
Mula sa samu't saring isyu kagaya ng korapsyon, kahirapan, at pang-aabuso, maraming aral at mensahe ang makukuha sa pagbabasa ng nobela na tumalakay sa mga ito.
Mga Bahagi
Ang nobela ay may iba't ibang bahagi na nagbibigay-kayarian sa pagbuo ng kuwento. Ang mga ito ay binigyang kahulugan.
Opening hooks
Kadalasang binubuo ito ng isang pangungusap na nakakatawag-pansin. Una itong mababasa sa unang pahina ng isang nobela. Maikli lamang ito ngunit mahalagang parte ito sapagkat minsan, dito binabase ng mga mambabasa kung ipagpapatuloy ba nila ang buong kwento o hindi.
Estruktura ng Plot (Plot Structure)
Ito naman ang bumubuo sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa nobela. Mahalagang-mahalaga ito sapagkat ito ang humahabi sa mga pangyayari.
Ang mga madalas na ginagamit ay:
- three-act structure;
- five-point plot structure; at
- seven-point plot structure.
Pag-unlad ng mga karakter (Character development)
Ito naman ang parteng sumusubaybay sa takbo ng bawat karakter. Isa ito sa mga nagpapaganda sa daloy ng kwento. Misan ay hindi mo rin inaasahan na ganon ang magiging kalalabasan ng isang karakter o di kaya naman ay maiinis ka na lamang bakit naging ganon.
Minsan ay may mga sakuna o mga di inaaasahang pangyayaring nagbabago sa direksyon ng kuwento at nagdadala ng magulong sitwasyon.
Ano-ano ang iba't-ibang uri ng tauhan?
Main character o protagonist - ito ang pangunahing tauhan na siyang bida sa nobela.
Antagonist - ito ang pangunahing kontrabida sa buhay ng bida.
Flat characters o mga tauhang lapad - ito ang mga tauhang walang pagbabago mula sa simula sa nobela.
Round characters o mga tauhang bilog - ito ang mga tauhang nagbago ang katangian dahil sa mga kaganapan sa nobela.
Climax
Ang climax ay isa ring bahagi ng nobela na masasabing mahalaga dahil ito ang puntong mas kapanapanabik. Masisilayan dito ang paghaharap o komprontasyon ng mga tauhan na kadalasang magreresolba sa mga tunggalian.
Denouement o Katapusan
Ito ang susunod sa climax. Dito na matutunghayan ang pagtatapos ng kwento. Binubuo ito ng mga monologue na siyang magdudugtong sa mga bagay-bagay na hindi malinaw sa umpisa. Sa madaling salita, ito ang nagbibigay ng closure para sa mga mambabasa at nagbibigay-daan sa pagkaunawa kung paano nagtatapos ang kuwento.
Basahin din: Ang Maikling Kwento sa Modernong Panahon, Alamin ang mga Pagbabago
Mga Elemento ng Nobela
May iba't ibang elemento rin ang bawat nobela na siyang bumubuo at nagpapaganda sa kwento.
Banghay
Ang elementong ito ng nobela ay tumutukoy sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa nobela.
Tunggalian
Ang tunggalian naman ay tumutukoy sa ugnayan ng mga problema at hamon sa nobela. Ito ang isa sa mga nagpapanatili ng interes sa mga mambabasa.
Sa tunggalian, meron ding tinatawag na panawagan. Ito ang pagsasalaysay ng layunin o tema ng nobela.
Tagpuan
Ito naman kapaligiran o lugar kung saan ginaganap ang mga pangyayari sa nobela.
Estilo ng Pagsulat
Ang bawat manunulat ay may kaniya-kaniyang teknik at estilo sa pagsasalaysay ng kuwento. Sa nobela, madalas ginagamit ang estilong pagkwekwento kung saan ang bawat bahagi ay magkaka-ugnay.
Suliranin
Maliban sa mga tunggalian, ito naman ang mga hamon o problemang kinahaharap ng mga tauhan sa nobela. Madalas na suliranin sa kwento ang mga sumusunod:
Tao laban sa sarili (Internal conflict)
Ito ay nangyayari kapag ang pangunahing tauhan ay may panloob na tunggalian sa kaniyang sariling damdamin o konsensya. Madalas itong makita sa mga nobelang tumatalakay sa:
- krisis sa pagdedesisyon
- moral na pag-aalinlangan
- pagbabago ng paninindigan
Halimbawa:
Sa nobelang Luha ng Buwaya ni Amado V. Hernandez, may mga karakter na dumaraan sa personal na tunggalian kung mananatili ba silang sunod-sunuran o lalaban para sa karapatan.
Tao laban sa tao (External conflict)
Ito ang pinaka-karaniwang uri ng suliranin kung saan may tunggalian ang pangunahing tauhan laban sa iba pang karakter sa kwento. Madalas itong tumatalakay sa:
- away ng mahirap at mayaman
- pagkakagusto sa iisang tao
- away sa loob ng pamilya dahil sa mana
Halimbawa:
Sa Noli Me Tangere ni Jose Rizal, ang tunggalian nina Crisostomo Ibarra at Padre Damaso ay mapapansin at mahihinuha.
Tao laban sa lipunan
Ito ay tumutukoy sa tunggalian ng tauhan laban sa mga batas, tradisyon, o sistemang umiiral sa kanyang lipunan na hindi niya sinasang-ayunan o labis na nakasasakal. Narito ang ilang madalas na tema:
- rebelyon sa katiwalian ng pamahalaan
- diskriminasyon sa uri, kasarian, o edukasyon
- pagtakwil sa kultura ng lipunan
Halimbawa:
Ang Dekada '70 ni Lualhati Bautista ay malinaw na sumasalamin sa tunggaliang ito kung saan lumalaban ang mga karakter sa diktadurya at patriyarkal na lipunan.
Mga katangian ng nobela
Ang nobela ay may iba't ibang mga katangian na nagbibigay-buhay at nagpapabanaag sa kuwento. Ang ilan sa mga katangiang ito ay ang mga sumusunod.
Naglulunsad ng Imahinasyon
Ang bawat nobela ay may kakayahang maglunsad at magpalabas ng malikhaing imahinasyon sa mga mambabasa. Sa pamamagitan ng malikhaing pag-iisip, nabibigyang-buhay ng may-akda ang kanyang kwento.
Nagbibigay ng Mensahe
Ang mga nobela rin ay may katangian at kakayahang maghatid ng mga mensahe sa mambabasa. Kadalasang naglalaman ang mga ito ng aral.
Magpalitaw ng Emosyon
Ang nobela ay may kakayahang palitawin ang damdamin ng mga mambabasa at magdulot ng emosyonal na pagtugon sa kuwento. Maaari itong magdulot ng takot, saya, lungkot, at marami pang iba.
Isinusulong ang Kasaysayan
Ang paggamit ng nobela sa pagpapakilala ng mga kasaysayan, kultura, at tradisyon natin ay madalas ring mabasa lalo na sa mga nobela na may temang historical fiction.
Basahin din: Halimbawa ng Tayutay at Mga Uri Nito: Mga Pagtutulad, Metapora, at Iba Pa
Iba't-ibang uri ng nobela
Ang nobela ay may iba't ibang uri rin at ito ay nakabase sa tema at nilalaman ng akda. Narito ang mga halimbawa:
Fiction Novels
Ito ay mga nobelang kathang-isip lamang. Ang mga tauhan, kaganapan, at lahat ng mababasa dito ay pawang gawa lamang ng malikhaing isipan ng manunulat. Gayunpaman, minsan ay kapupulutan pa rin ang mga ito ng aral.
Non-Fiction Novels
Ito naman ang kabaliktaran ng fiction. Ang mga kaganapan sa mga nobelang ito ay madalas nakabase sa mga totoong pangyayari. Ang isa sa mga halimbawa nito ay ang mga karanasan ng isang tao na matagumpay na nalagpasan ang mga balakid sa kaniyang buhay.
Nobelang Romantiko
Ang nobelang romantiko ay nagbibigay diin sa mga paksang may kaugnaan sa pag-ibig at pagmamahal sa isang kuwento na kadalasan ay nagtatampok ng mga pangyayari ng emosyonal na karanasan.
Nobelang Pangkasaysayan
Ang mga historical novels naman ay madalas na naglalarawan ng mga pangyayari sa ating kasaysayan. Minsan ay hinahaluan din ito ng pantasya kagaya ng mga nobelang animo'y bumbabalik sa nakaraan ang bida gamit ang isang bagay na nagsisilbi bilang isang time machine.
Nobelang Pantasya
Naglalaman ito ng mga kaganapang malayo sa realidad o ang mundong ating ginagalawan. Madalas na may nagaganap na mga pangyayari na hindi normal sa pang-araw-araw na buhay.
Marami pang iba ngunit ang mga nabanggit ay ang mga pinakakaraniwan na halimbawa. Ngayon ay dumako naman tayo sa mga tanyag na manunulat ng nobela sa ating bansa.
Atin namang pansinin ang mga mukha sa likod ng mga kilalang nobela sa Pilipinas.
Mga sikat na manunulat ng Nobelang Pilipino
Sa ating kasaysayan, partikular sa Panitikang Pilipino, maraming mga manunulat sa ating bansa na may malalaking ambag sa larangan ng nobela. Ang ilan sa kanila ay sina:
- Jose Rizal
- F. Sionil Jose
- Merlinda Bobis
- Nick Joaquin
- Edith L. Tiempo
- Edgardo M. Reyes
- Bob Ong
- Lualhati Bautista
- Joanne Ramos
- Jose Dalisay Jr.
- Severino Reyes
- at marami pang iba
Mga Halimbawa ng nobela sa Pilipinas
Ang Pilipinas ay tunay na mayaman sa mga nobelang award-winning hindi lamang sa loob ng bansa kundi pati na rin sa buong mundo. Narito ang ilan sa mga nobelang kilala at minamahal ng mga mambabasa:
- "Noli Me Tangere" ni Jose Rizal
- "El Filibusterismo" ni Jose Rizal
- "Banaag at Sikat" ni Lope K. Santos
- "Dekada '70" ni Lualhati Bautista
- "Gapo" ni Lualhati Bautista
- "Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?" ni Bob Ong
- "ABNKKBSNPLAko?!" ni Bob Ong
- "Sa Mga Kuko ng Liwanag" (In the Claws of Brightness) ni Edgardo M. Reyes
- "Kisapmata" ni Benedicto Cabrera
- "Ilustrado" ni Miguel Syjuco
- "The Woman Who Had Two Navels" ni Nick Joaquin
- "The Rosales Saga" ni F. Sionil Jose
- "The Farm" ni Joanne Ramos
- "Mga Kuwento ni Lola Basyang" ni Severino Reyes
- At marami pang iba.
Epekto ng Nobela
Ang nobela ay may iba't ibang eprkto rin. Ang bawat isa'y ilalahad sa mga susunod na talata:
Epekto sa mga mag-aaral
- Pinapalawak nito ang bokabularyo ng mga estudyante at ang kasanayan nila sa pagbabasa.
- Hinahasa nito ang analytical at logical thinking ng mga mag-aaral.
- Pinapalawak di nito ang kaalaman nila sa iba't ibang impormasyon, isyu, kultura, tradisyon, at marami pang iba.
Epekto sa tao
- Pinapalawak nito ang ating imahinasyon.
- Nakakapagbigay din ito ng inspirasyon at kalinga sa pamamagitan ng mga nakakaantig na mga pahayag na kapupulutan ng aral.
- Mas nagiging magaling tayo dahil hinahasa nito ang ating gramatika at wastong paggamit ng mga salita.
Epekto sa lipunan
- Mas nabubuo ang magandang samahan at pakikipagkapwa.
- Tinutulungang panatilihin at pinapahalagahan ang ating kultura.
- Pagtatakda ng kamalayan sa mga isyung panlipunan.
Sa Dulo ng Lahat
Tunay na hindi lamang aliw ang ibinibigay ng mga nobela sa atin. Napakahalaga rin nila sa ating buhay dahil sa mga ibinabahaging aral at karanasan ng mga ito.
Ang nobela ay isang kayamanang maituturing natin. Bahagi na ito ng kultura at panitikang Filipino kaya dapat nating panatalihin at tangkilikin ang mga ito.
Bilang mga mambabasa, patuloy lang tayo sa pagsuporta sa mga manunulat lalo na sa mga nagsisimula pa lang umusbong sa kasalukuyang panahon at henerasyon.