Mula sa iba't ibang social media apps kagaya ng Facebook, Twitter at Youtube, madalas akong nakakapanood ng iba't ibang kwento na nagsasalaysay sa buod ng mga sikat na kaganapan o pangyayari. Ngayon ay mas sikat na ang teknolohikal na paraan ng pagkwekwento, ang tanong ngayon ay:
Buhay pa ba ang tradisyunal na pagkwekwento?
Sa ating buhay na puno ng ganap, may mga salaysay na kapupulutan ng aral. Kagaya ng mga kwento ng ating mga lolo't lola na kinagigiliwan nating pakinggan noong tayo ay bata pa, mas palalawigin natin ang mga maiiksing salaysay na ito na tinatawag din nating maikling kwento.
Samu't saring ganap ang nasasaksihan at nalalaman dahil sa pagbabasa. Bilang isang bookworm, layunin kong tulungan ka na mas tangkilikin ang sarili nating mga akda sa tradisyunal na paraan. Bahagi na ito ng ating pagkakakilanlan at ang pagtangkilik sa mga ito ay isang magandang halimbawa ng pagka-Pilipino at hindi lang basta pagiging masipag na mag-aaral.
Hindi naman kailangang iwasan ang panood sa mga media apps na ito. Kailangan lang natin na mas pasiglahin ang mga tradisyunal na paraan kagaya ng pagbabasa ng mga libro.
{tocify} $title={Table of Contents}
Depinisyon ng Maikling Kwento
Ang maikling kwento o short story sa wikang Ingles ay isang uri ng panitikan na maituturing na isang yamang pampanitikan. Ito ay naglalaman ng makabuluhang naratibo na sumasalamin sa masining na imahinasyon o karanasan ng awtor.
Ito ay isang maikling salaysay tungkol sa isang pangyayari na kinasasangkutan ng pangunahing tauhan. Ang bawat kwento ay isang paglalakbay na naglalayong magbitaw na kaisipan sa bawat mambabasa.
Dagdag dito, ang maikling kwento ay naghahayag ng mahalagang pangyayari o emosyon sa pinaikling paraan. Ngunit sa kabila ng pagiging “maikli,” ito ay hindi mababaw. Sa loob ng ilang pahina, kayang nitong magpatawa, magpaiyak, magpabago ng pananaw. Halimbawa nito ang mga akdang May Day Eve ni Nick Joaquin o My Father Goes to Court ni Carlos Bulosan.
Kaugnay na Aralin: Salawikain sa Makabagong Panahon, Nananatiling Gabay ng Kabataang Pilipino
Mga Uri ng Maikling Kwento
Kwentong Nagsasalaysay
Ang kwentong nagsasalaysay ay may detalyadong pagkukuwento at balanseng estruktura. Maingat na pagplaplano sa bawat detalye ng kwento ang siyang ginawa ng sumulat ng kwento nang sa ganoon ay mabigyan ng linaw at kumpletong larawan ang mga pangyayari.
Kwentong Tauhan
Nakapokus ang kwentong ito sa mga tauhan. Ang mga
pangyayayring nagpapakita ng pag-unlad, katangian, at dinamika ng bawat tauhan
sa kwento ay masasalamin sa kwentong ito. Dagdag dito, nabibigyang diin rin ang
kanilang papel at kahalagahan sa buong salaysay.
Kwentong Pambata
Ang kwentong pambata ay isa ring uri ng maikling kwento kung
saan ang itinatampok na mga tema, karakter, at pangyayari ay akma at angkop
para sa mga batang mambabasa.
Kuwentong Sikolohiko
Ang maikling kwento na ito ay tumutukoy naman sa malalim na
pagsusuri sa isipan at damdamin ng mga tauhan. Layunin ng kwentong ito na
maipadama sa mambabasa ang karanasan at damdamin ng mga karakter sa bawat
sitwasyon.
Kuwentong Talino
Ang plot ng kwentong talino ay maingat na binuo. Gamit ang
isang kumplikadong sitwasyon, ipinapahayag ng may-akda ang katalinuhan at
malawak na imahinasyon nito sa pagsusulat.
Kuwentong Katatawanan o Komedya
Ang kwentong katatawanan naman ay nagbibigay-diin saya sa mga mambabasa. Ang takbo ng pangyayari ng kwentong ito ay maaaring hindi tradisyonal. Layunin nitong magbigay aliw at saya sa bawat mambabasa.
Kuwentong Katatakutan at Kababalaghan
Ang layunin ng kwentong ito ay magtampok ng mga nakakatindig-balahibo at kapana-panabik na mga elemento sa mga mambabasa. Ito ay maaaring magtaglay ng mga supernatural o hindi pangkaraniwang pangyayari at mga tauhan.
Mga Elemento ng Maikling Kwento
Tagpuan
Ang tagpuan o setting sa Ingles ay lugar kung saan naganap ang kwento. Ang tagpuan ay mahalaga dahil ito ang nagbibigay ng konteksto kung saan nangyayari ang kwento.
Banghay
Ang banghay ay ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari mula sa simula hanggang wakas sa kwento. Ito ang nagbibigay direksyon sa salaysay na siyang nagtatakda sa ritmo nito.
Tauhan
Ang mga tauhan, characters o mga karakter ang siyang nagbibigay ng buhay at kulay sa kwento. Sila ang nagdadala ng aksyon sa bawat pangyayari.
Mga Bahagi ng Maikling Kwento
Panimula o Simula
Sa simula ipinapakilala ang mga tauhan at nilalarawan ang tagpuan. Ang panimula ang siyang naglalatag ng pundasyon para sa buong kwento.
Saglit na Kasiglahan
Ang saglit na kasiglahan ay ang bahagi ng kwento kung saan nagsisimulang maramdaman ang aksyon. Dito rin unti-unting ipinapakita ang mga suliranin o conflicts na kakaharapin ng pangunahing tauhan.
Suliranin
Ang suliranin ay ang siyang pangunahing problema sa kwento. Ito ang sentro ng aksyon na siyang nagbibigay ng tensyon sa salaysay.
Kasukdulan
Sa kasukdulan naman matatagpuan ang rurok ng kwento. Ito ang parteng mas kapana-panabik. Dito rin karaniwang nareresolba ang suliranin.
Kakalasan o Wakas
Ang wakas ang siyang pagtatapos ng kwento. Dito rin binibigyan ng resolusyon ang lahat ng suliranin na itinampok sa kwento.
Ang Ama ng Maikling Kuwento
Si Deogracias A. Rosario ang tinuturing na "Ama ng Maikling Kuwento."
Mga Dapat Tandaan sa Pagsusulat ng Maikling Kwento
1. Itala ang mga pangunahing tauhan at i-draft ang gusto
mong gawin ng mga ito.
2. Isunod ang ilang detalye na gagawin ng mga tauhan upang
maisakatuparan ang nais na mangyari.
3. Kailangan ding isulat ang mga hindi inaasahang pangyayari
na siyang magdadagdag na twist o tensyon sa kwento.
4. Huwag kakaligtaan ang mahahalagang detalye ukol sa
tagpuan o setting na angkop sa daloy at kalalabasan ng kwento.
5. Itala rin ang gustong mangyari sa kasukdulan ng kwento.
Hangga't maaari, kailangang isaalang-alang na magising ang diwa at damdamin ng
mga bumabasa sa parteng ito.
6. Kapag ready na ang lahat ng mga nabanggit o ang outline
ng kwento, simulan na ang pagsusulat sa kwento. Siguraduhing kawili-wili ang
mga unang pangungusap ng iyong kwento, ngunit huwag itong susubrahan.
7. Huwag kalimutang ihayag ang mga ma-aaksyong kaganapan
kagaya ng mga tunggalian, dahil ang mga ito ang siyang nagbibigay buhay at
kulay sa kwento.
8. Kailangan ding malinang at maayos na maisagawa ang
karakterisasyon. Kailangan itong iapkita, huwag lang basta isulat o sabihin.
9. Ang mga usapan o dayalogo na idadagdag ay dapat na
makabuluhan.
10. Pagkatapos isulat, basahing muli at hangga't maaari ay gumawa ng rebisyon.
Maikling Kwento sa Makabagong Panahon
Nakakatawang isipin na buhay na buhay pa rin ang maikling kwento sa mga platforms kagaya ng Wattpad. Aminin mo, isa ka rin sa mga lumaking kasangga ang wattpad sa tuwing gabi bago matulog at kapag walang ginagawa. Hindi ito maikakaila dahil ilang milyon ang bumabasa ng mga kwento dito at patok na patok ito sa mga kabataan kahit ngayon.
Bagama't may mga pagbabago na sa paraan ng paglalahad nito, naroon pa rin ang puso ng nagkwekwento. Masasalamin ang pagsabay ng mayaman nating kultura at panitikan sa pag-unlad ng makabagong teknolohiya.
Kailangan pa ba ang maikling kwento ngayon?
Sa panahon ngayon kung saan nagkalat ang mga content creator sa larangan ng pagkwekwento, marami pa ring tumatangkilik sa ideya ng pagbabasa ng ilang libong salita. Sa patuloy na pag-usbong ng matitinding emosyon, pagkabalisa, pagkalito, at paghahanap ng saysay, kayang isalaysay lahat ng maikling kwento. Dahil dito, kailangan pa rin talaga ang mga maikling kwento.
Panghuling Mensahe
Ang maikling kwento ay tunay na yaman sa ating panitikan. Maliban sa mga nabanggit sa ating talakayan, mahalangang pagyamin at pa-usbungin pa ang mga ito upang sa ganoon ay masaksihan rin ng mga susunod pang henerasyon ang mga maikling kwento.
Mula sa lahat na ito, maituturing na ang bawat araw ay isang kwento. Bawat pagbangon natin, tayo ay lumalaban. Ang lahat ng ginagawa natin araw-araw ay bahagi ng kwento ng ating buhay. Kung patuloy nating isusulat at ibabahagi ang mga ito, hindi kailanman mamamatay ang sining ng pagkukuwento.