Ang pagsusulat ng isang liham ay isa sa mga pinaka-natatanging paraan ng pakikipagkomunikasyon lalo na noong mga panahong hindi pa gaano kaunlad ang meron tayong teknolohiya.
Bagama't lumipas na ang maraming panahon, mayroon pa ring mga indibidwal na mas pinipiling gamitin ito kahit pa umiiral na ngayon ang instant messaging apps. Ito ma'y para sa trabaho, kalakalan, o sa paaralan, may mga sinusunod na paraan sa paggawa ng liham.
Ating pag-uusapan sa pahinang ito ang kahulugan ng liham pati na rin ang mga uri at bahagi nito. Mayroon ding ilang halimbawa para magsilbing gabay sa inyo kung kayo man ay naghahanap ng halimbawa ng liham pangkaibigan, at marami pang iba.
{tocify} $title={Table of Contents}
Marahil ay naranasan mo na ring umibig. Minsan 'yung iba ay nahihiyang aminin ang kanilang nararamdaman sa taong hinahangaan nila kung kaya't dinadaan nila ito sa pagsulat ng isang liham. Pero wait lang, ang liham ay sinusulat hindi lamang dahil dito. Maraming uri ang liham at pag-uusapan natin ang mga ito.
Ano ang liham?
Ang liham ay isang dokumento na isinusulat para sa isang indibidwal o 'di kaya'y sa isang organisasyon. Ito ay maaaring gamitin para sa iba't-ibang layunin kagaya na lamang ng pangangalakal, pag-aaplay sa trabaho, pakikipag-ugnayan, o simpleng pagpapahayag ng pagmamahal at suporta sa mga kaibigan at pamilya habang nagtratrabaho sa ibayong lugar.
Sa kasalukuyan ay patuloy lamang sa pag-usbong ang teknolohiya. Mayroon na tayong instant messaging apps kaya dahil dito ay hindi maitatangging mas pinipili ng ilan na gamitin ang teknolohiyang ito.
Gayunpaman, ang liham ay may espesyal na puwang sa ating pakikipagkomunikasyon. Iba pa rin kung may personal na paraan ng pagpapahayag ng mga saloobin, kahilingan, at kaisipan sa isang tao kagaya nito.
Paano Gumawa ng Liham?
Sa paggawa ng liham, maaari mong sundin ang mga hakbang na ito:
- Alamin ang klase ng liham na susulatin.
- Ihanda ang mga impormasyong kakailanganin kagaya ng taong susulatan at ang mensaheng nais iparating.
- Kumpletohin ang lahat ng bahagi ng liham.
- Basahing muli ang liham, i-review, at i-revise kung maaari.
Ang Iba’t ibang Bahagi ng Liham
Bagama't napakahirap kung iisipin ng iba, ang paraan sa paggawa ng liham ay hindi naman talaga mahirap o nakakatakot. Sa katunayan ay madali lamang itong gawin. Kailangan lamang tandaan ang mga importanteng bahagi at punan lamang ang mga ito ng impormasyon.
Pamuhatan
Ang impormasyong makikita sa pamuhatan ay mga detalye tungkol sa nagpapadala ng liham tulad ng address ng nagpadala at ang petsa. Minsan ay sinasama rin ang address ng tatanggap.
Kadalasan itong nasa itaas na kanang bahagi ng isang liham. Sa kabilang banda, ang pormal na liham naman ay karaniwang nasa itaas na kaliwang bahagi ng liham.
Halimbawa:
Bating Panimula
Ang bahaging bating panimula ay kilala sa tawag na salutation sa Ingles. Dito nakasaad ang pambungad na pagbati sa sinusulatan. Tandaan ng may kuwit sa hulian nito.
Halimbawa: Mahal kong Juliet, o kaya naman ay Mahal na Ginoong Cruz,
Katawan ng Liham
Ang katawan ng liham ay naglalaman ng aktuwal na mensahe o nilalaman ng liham. Dito sinasabi ng sumulat ang mga pangunahing punto, ideya, o mga impormasyon na nais iparating. Maaaring mahaba o maikli ang nilalaman nito depende sa layunin ng liham.
Halimbawa:
Kamusta ka na? Sana ay magkasama tayo ulit sa susunod na bakasyon. Miss na miss na kita! Anong mga balita sa inyo? Ingat ka palagi ha.
Bating Pangwakas
Ang bating pangwakas ay naglalaman ng pahayag ng pamamaalam, pagmamahal o respeto sa tatanggap. Ang ilang halimbawa nito ay ang sumusunod. May kuwit rin ito sa huliang bahagi.
Halimbawa:
Lubos na gumagalang, Sincerely, Taos-puso, nagmamahal, at marami pang iba.
Lagda
Ang lagda ay naglalaman ng pangalan ng nagpadala ng liham. Kung ang lsulat ay liham pangkaibigan, minsan ay palayaw na lamang ang nilalagay. Gayunpaman, gamitin pa rin ang buong pangalan para malaman ng tumanggap kung sino ang sumulat ng liham sa kaniya, lalo na kung pormal ito, kung saan kailangan ding pirmahan.
Halimbawa: Romeo Dela Cruz
Postscript o P.S.
Ang postscript, P.S., o pahabol ay karagdagang impormasyon na kadalasang nilalagay sa dulo ng isang liham. Bagama't hindi ito konektado sa pangunahing mensahe ng sumulat, idinadagdag ito para mas maging interesado ang babasa ng sulat.
Halimbawa:
Kailangang sundan ang tamang pagkakasunod-sunod ng mga bahaging ito nang sa ganon ay maiparating ng maayos ang iyong mensahe sa liham. Maaari ring magkaroon ng mga iba't-ibang pormat ng liham depende sa layunin nito, ngunit ang mga bahaging ito ay karaniwang makikita sa karamihan ng liham.
Ito man ay liham pangkaibigan, liham ng pasasalamat, o ano pang uri ng liham, tandaan na ang bawat bahagi ng isang liham ay mahalaga sapagkat ito ang nagbubuklod para makagawa ng isang kumpletong piraso ng sulat.
Ang Mga Uri ng Liham
Ang bawat uri ng isang liham ay may kani-kaniyang layunin at tono. Mahalagang gamitin ito ng tama upang maiparating ng maayos ang mensahe sa liham na sinulat.
Liham Pangkaibigan
Ang liham pangkaibigan ay isang liham na isinusulat para sa isang kaibigan. Karaniwan itong naglalaman ng personal na impormasyon at pangangamusta.
Ito ay maaaring naglalaman ng mga kuwento, mga update sa buhay, o simpleng kamustahan, tsismis of chika.
Ang layunin nito ay mapanatili ang koneksyon at pagkakaibigan.
Liham Pangangalakal
Ang liham pangangalakal ay isang liham na may kaugnayan sa negosyo o kalakalan. Karaniwang ito ay ginagamit para magbigay ng proposal, mag-order ng produkto o serbisyo, o magtanggap ng mga transaksyon o pahayag ng kita.
Kailangang maging malinaw at tama lahat ng mga impormasyon. Kailangan din na propesyonal ang tonong ginamit.
Liham Paanyaya
Ang liham paanyaya ay isang liham na naglalayong mag-imbita ng isang tao o grupo ng mga tao sa isang okasyon o pagtitipon.
Karaniwan itong siinusulat tuwing may gustong imbitahan sa kasal, kaarawan, seminar, o iba pang pagtitipon.
Ang nilalaman nito ay mamalagang detalye tungkol sa okasyon kagaya ng petsa, oras, at iba pang mga kinakailangang impormasyon.
Liham Paghingi ng Paumanhin
Ang liham sa paghingi ng paumanhin ay isang liham kung saan ang isang tao ay humihingi ng tawad para sa anumang pagkukulang, kasalanan, o hindi tamang pag-uugali.
Layunin ng liham na ito na maihayag ang pagpapakumbaba at pagsisisi sa mga nagawa kaya dapat maging bukas at totoo lamang ang manunulat.
Liham Pagtanggi
Ang liham pagtanggi ay isang liham na ginagamit upang tanggihan o hindi tanggapin ang isang alok, imbitasyon, o hiling.
Naglalaman ito ng mga rason o paliwanag kung bakit tumatanggi ang sumulat nito. Gayunpaman, dapat itong maging maayos at mayroon pa ring respeto sa tono.
Liham ng Pagmamahal
Ang liham ng pagmamahal ay nagpapahayag ng pag-ibig at emosyon. Karaniwan itong isininusulat para sa isang mahal sa buhay, tulad ng asawa o kasintahan.
Isang katangian nito ang pagkakaroon ng mga romantikong pahayag, pagpapahalaga, at pag-aalala.
Sa makatuwid, ang liham ng pagmamahal ay nagpapakita ng damdamin at pagmamahal sa isang tao.
Huling Hirit
Ating napag-alaman na ang liham ay isang paraan ng pakikipagkomunikasyon.
Ito ay may limang pangunahing bahagi at ang limang ito ay ang pamuhatan, bating panimula, katawan ng liham, bating pangwakas, at lagda.
Mayroon ding postscript na minsan ay sinasama ng ilan sa huliang bahagi ng liham, at nalaman natin na ito ay tumutukoy sa karagdagang ipormasyon na nais pang sabihin ng sumulat.
Ang iba't ibang uri nito batay sa layunin ay napag-alamanan din at ang bawat isa sa mga ito ay nakakatulong sa paggawa ng liham.