There's more to life than academic achievements: Isang Sanaysay mula sa Estudyante para sa Kapwa Estudyante Gaget at Tignay: There's more to life than academic achievements: Isang Sanaysay mula sa Estudyante para sa Kapwa Estudyante

There's more to life than academic achievements: Isang Sanaysay mula sa Estudyante para sa Kapwa Estudyante

There's more to life than academic achievements

Sa sistema ng edukasyon na kasalukuyang meron sa ating bansa, madalas nating marinig ang salitang “achiever.” Karaniwan itong ginagamit bilang panglarawan sa mga estudyanteng palaging nangunguna sa klase at may average na 90 pataas. Sila rin ang laging napapabilang at nananalo sa mga paligsahan at palaging binibigyan ng parangal at medalya sa entablado. Pero kung hihinto ka sandali at pag-iisipan, doon lang ba talaga umiikot ang buhay ng isang estudyante para masabing may mararating siya?

Sa bawat araw na papasok sa paaralan, napakaraming bagay ang dapat gawin maliban pa ang mga responsibilidad sa loob ng bahay. Nandiyan ang sandamakmak na pagsusulit, mga proyekto, mga group activity, at meron pang mga sayaw sa asignaturang PE. Sa likod ng mga ito, may personal tayong buhay na patuloy na gumagalaw ano man ang nangyari sa paaralan at kahit pagod pang umuwi. 

May mga estudyanteng kailangang tumulong sa negosyo ng pamilya pagkatapos ng klase. May iba na kailangan pang asikasuhin ang nakababatang kapatid bago makagawa ng assignment. May ilan namang tahimik lang pero patauloy na nakikipaglaban sa anxiety o pressure para lamang maging maganda ang marka sa report card. Meron pang halos hindi na matulog sa gabi maaral lang ng lubusan ang bawat paksa at para maperfect ang quiz. 

Ganoon ka rin ba?

Dahil dito, mahalagang maunawaan na ang sistema ng edukasyon ay hindi lamang para makamit ang inaasam na matataas na marka. 

Isa itong aspeto ng buhay para matuto kung paano makisama, paano bumangon kapag bumagsak, at paano alamin kung saan kang tunay na magaling para alam mo ang industriyang papasukan mo sa hinaharap. 

Hindi lang ito tungkol sa “perfect score,” kundi sa kung paano mo gagamitin ang bawat aral na natutunan para sa mas malaking hamon ng buhay.

Di hamak na mas malaki ang mundo kaysa sa apat na sulok na paaralan. Matutong makipag-ugnayan at magdiskubre ng mga kakayahan na magagamit sa realidad ng buhay. Ikaw lang ang makakatulong sa'yong sarili sa hinaharap.

Hindi masamang maghangad ng mataas na grado, pero hangga't maaari ay subukan ding lawakan ang perspektibo sa ibang bagay. Halimbawa, kapag may group project, hindi lang magandang presentasyon ang tinutukoy doon. Natututo kang makinig sa opinyon ng iba, magbigay ng sariling ideya, at matutong mag-adjust kapag may hindi sumunod sa usapan. 

Kapag bumagsak ka naman sa isang pagsusulit, may pagkakataon ka pa ring suriin kung saan ka nagkulang at paano babangon. Ito ang mga aral na hindi agad makikita sa diploma, pero madadala mo habang-buhay kagaya ng kung paano ka bumabangon para sa pangarap.

Sa gitna ng lahat ng ito, ang mga parangal at medalya ay maaaring maging simbolo ng kasipagan at katalinuhan, pero hindi sila ang sukatan ng buong pagkatao mo. Hindi nito kayang sukatin ang tapang mong pumasok sa klase kahit may dinadala kang problema. Hindi nito kayang ipakita ang malasakit mong tumulong sa kaklase kahit hindi nakikita ng iba. Hindi nito kayang isalaysay ang libu-libong desisyong ginagawa mo araw-araw para maging mas mabuting tao. O di kaya ang pagtayo mo sa grupo kung saan ang bawat miyembro ay pasuko na dahil sa pag-ooverthink ng kung ano-ano. Hindi yon nilalagyan ng grado pero labis na makakatulong sa iyo pagdating ng panahon.

Kaya naman sa susunod na makaramdam ka na parang kulang sa sarili mo dahil wala kang natanggap na medalya o mataas na grado, alalahanin mong ang tunay na halaga ay nasa kung paano ka natututo at paano mo ginagamit ang kaalaman para makatulong sa iba at sa sarili mo.

Sabi nga sa Ingles, there's more to life than academic achievements.

Ang tunay na palatandaan ng tagumpay mo ay hindi lang kung gaano karaming parangal ang natanggap mo, kundi kung gaano karami ang natutunan mo sa realidad ng buhay na hindi kinabisado at hindi rin makikita sa pagsusulit pero nadevelop mo habang natututo ka ng mga teknikal na kaalaman.

McJulez

McJulez is a dedicated writer with a passion for creating concise summaries, sharing insightful notes, and offering fresh perspectives on various topics. With a Bachelor’s degree in Business Administration and a background in campus journalism, McJulez is committed to delivering content that is both reliable and enriching. Focused on fostering a healthy learning community, McJulez aims to make this platform a space for knowledge, growth, and meaningful connections.

Post a Comment

Previous Post Next Post