Sa paglipas ng panahon at pag-apekto ng modernismo sa ating buhay, marami na ang nakalimot sa mga matatandang kasabihan na kapupulutan ng aral. Kagaya na lamang ng salawikaing "daig ng maagap ang masipag” na ilang beses na nating narinig mula sa ating mga magulang o lolo't lola. Sa iba, tila lumilipad lang sa hangin ang mga salitang ito pag kanilang naririnig. Ngunit sa ating patuloy na pagtanda kung saan napakadaming trabaho, deadlines, at pagkakaabalahan, tila mas nauunawaan na natin ang kahulugan ng kasabihang ito.
Hindi lamang ito basta pagbabalik-tanaw sa mga nakagisnang salawikain. Ito rin ay para sa mga kabataang mas namulat sa teknolohiya dahil ang salawikain ay hindi lamang koleksiyon ng mga lumang paalala. Isa itong anyo ng karunungan na ipinamana ng ating mga ninuno, at hanggang ngayon ay may kakayahang bumago ng pananaw, kilos, at pag-uugali lalo na sa mga kabataan.
{tocify} $title={Table of Contents}
Ano nga ba ang Salawikain?
Hinubog ng karanasan, kultura, at panahon, ang salawikain ay mga pahayag na maikli lamang ngunit malaman at malawak ang ibig sabihin. Gamit ang mga simpleng salita, mahihinuha ang mahahalagang aral na nais iparating.
Iba ito sa kasabihan na madalas ay mas literal ang ibig ipahiwatig. Gayundin sa sawikain na may matalinhagang kahulugan, at bugtong na isang palaisipan at isa ring kinagigiliwan ng mga kabataan noon.
Kahit noon pa man, kasangga ito ng ating mga magulang at mga ninuno sa wastong pagpapalaki ng kanilang mga anak. Maliban dito, isa din tong kasangkapan sa pakikipagkapwa-tao at pagtuturo ng mabuting asal.
Sa panahon ngayon kung saan naglipana ang mga maling impormasyon, masasamang budhi, at nagkalat na makabagong teknolohiya, buhay pa ba ang mga ito?
Salawikain sa ibang wika o dayalekto
Ang salawikain ay tinatawag din na:
- pagsasao sa Ilokano;
- aramiga o sasabihan sa Bicol;
- panultihon sa Sebwano;
- kasebian sa Pampango;
- salawikain, sawikain, o kasabihan sa Tagalog;
- unoni sa Ibanag;
- pananahan sa Ivatan;
- basahan sa Bukidnon;
- panonggelengan sa Manobo; at
- pananaroon sa Maranao.
Salawikain sa Modernong Panahon
Iba na ngayon ang uso. Kung dati nagtitipon-tipon ang mga bata sa isang lugar upang makinig sa mga kwento, kasabihan, at bugtong sa mga matatanda, ngayon ay sa social media na madalas tumambay.
Bagamat may mga makabagong ganap, konektado pa rin sa nakagisnang salawikain ang ilang pagbabago na ito. Halimbawa na lamang ng cancel culture kung saan ang bawat kilos mo online ay bantay sarado ng iba. Isang pagkakamali lang at tiyak na pauulanan ka ng mga mensaheng kagaya ng, "nagbago na yan simula nong sumikat, wala na yan mararating." Kung iisipin, nais iparating sa mensahe na kung hindi marunong lumingon sa pinanggalingan, tiyak na hindi makararating sa paroroonan.
Simpleng sagot: oo, buhay pa rin talaga ang salawikain sa panahong ginagalawan natin ngayon. Hindi lang yon, sumasabay rin ito sa pagbabago.
Kaugnay na babasahin: Ang Maikling Kwento sa Modernong Panahon, Alamin ang mga Pagbabago
Mga tunay na karanasan mula sa iba't ibang indibidwal
Madalas din nating marinig ang "kung may tiyaga, may nilaga." Totoo nga naman ito talaga dahil maraming beses na tayong nakasaksi ng mga kapos sa buhay pero nakapagtapos pa rin at nagkaroon ng magandang buhay dahil sa pagpupursigi at hindi pagsuko.
Isa pa ang "habang maikli ang kumot, matutong mamaluktot." Dahil sa patuloy na pagmahal ng mga bilihin, mapapansin natin ang pagsasabuhay ng salawikain ito sa mga magulang na tinuturuan na ang mga anak kung paano maging masinop.
Mga Salawikaing Dapat Isabuhay ng Bawat Kabataan
Mga Salawikain | Halimbawa | Aral |
---|---|---|
Ang taong nagigipit, sa patalim kumakapit. | Dahil sa napakaraming gastusin sa paaralan na di na kaya ng budget o allowance, minsan ume-extra. | Hindi masamang humingi ng tulong sa mga magulang o mga kakilala kung nagigipit na. Ang pagkapit sa patalim ay nagbibigay lang ng malalim na sugat kaya mas piliin ang mabuting diskarte. |
Kapag may isinuksok, may madudukot. | Bilang estudyante, ang pagtatabi ng pera mula sa allowance na natatanggap. | Ipinapahiwatig nito ang tamang disiplina at paghahanda sa magandang kinabukasan. |
Matibay ang walis, palibhasa’y magkabigkis. | Madalas ito sa mga group project o di kaya ay sa loob ng tahanan. | Ang pagkakaroon ng pagkakaisa ay nagdudulot ng magandang relasyon at tagumpay. Mas tumitibay din ang relasyon. |
Table: Mga Salawikain at Kahulugan
Salawikain | Maiksing Kahulugan | |
---|---|---|
✓ | Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan | Mahalagang tumanaw ng utang-na-loob at alalahanin ang pinagmulan. |
✓ | Kung walang tiyaga, walang nilaga | Walang gantimpala kung walang sipag at pagsusumikap sa buhay. |
✓ | Kung ano ang puno, siya rin ang bunga | Karaniwang nagiging katulad ng magulang ang anak dahil sa nakikita at naoobserbahan. |
✓ | Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo | Huli ang tulong kapag tapos na ang pangangailangan. |
✓ | Matibay ang walis, palibhasa’y magkabigkis | Mas nagiging matatag ang samahan kung nagkakaisa. |
✓ | Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa | Sabayan ng aksyon ang dasal para magtagumpay sa buhay. |
✓ | Huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo | Gintuang tuntunin ng paggalang at pagrespeto sa kapwa. |
✓ | Ang taong nagigipit, sa patalim kumakapit | Kapag desperado, napipilitang gumawa ng masama. |
✓ | Kapag may isinuksok, may madudukot | Ang pag-iipon ay sagot sa kagipitan kaya matutong maging masinop habang bata pa lamang. |
✓ | Ang lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim | Ang padalos-dalos ay nagbubunga ng malubhang problema. |
✓ | May pakpak ang balita, may tainga ang lupa | Mabilis kumalat ang tsismis kaya maging maingat sa sinasabi at pinagkwekwentuhan. |
✓ | Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin | Magbubunga rin ang iyong ginawa o pagsusumikap. |
✓ | Pag may tiyaga, may nilaga | May gantimpala ang pagtitiyaga. |
✓ | Mahirap gisingin ang nagtutulog-tulugan | Walang saysay ang payo sa nagbubulag-bulagan kahit ano pang gawin. |
✓ | Huli man daw at magaling, naihahabol din | Maaaring bumawi kahit nahuhuli dahil nasa atin pa rin kung ipagpapatuloy pa rin ang nasimulan. |
✓ | Habang makitid ang kumot, matutong mamaluktot | Matutong mamuhay ayon sa kakayanan pero hindi masamang maghangad ng gusto sa buhay. |
✓ | Ang langaw na dumapo sa kalabaw, mataas pa sa kalabaw ang pakiramdam | Tumutukoy sa nagmamalaking tao kahit wala namang ibubuga. |
✓ | Ang ibinabait ng bata, sa matanda nagmula | Mabuting asal ng bata’y galing sa magulang. |
✓ | Ang magandang asal ay kaban ng yaman | Maituturing na kayamanan ang mabuting pag-uugali. |
✓ | Pagsasama ng tapat, pagsasama ng maluwat | Tumitibay ang samahan kung may katapatan sa isa't isa. |
Pangwakas na Mensahe
Ang mga mensahe na nakukuha natin sa mga salawikain ay walang katumbas. Mapabata o matanda, hindi nawawala ang hangarin nitong magturo ng magandang asal. Bagama't pinaglumaan na ng panahon ang ilan, masasabi pa ring buhay ito sa panahon ngayon lalo pa't nagsisilbi itong ilaw sa mga bagay na talamak sa ating bansa.
Hindi lamang basta pahayag ang mga ito dahil maituturing silang sandigan. Isa itong ilaw na nagbibigay liwanag sa madilim na direksyon ng buhay. At ang pinakamahalaga sa lahat, isa itong hugutan ng lakas dahil minsan isang linya lang mula sa salawikain ang kailangan natin para muling tumindig at magpatuloy.
Nice post, admin!
ReplyDeleteSalamat po dito. Magagamit ko po ito sa assignment namin. ❤️
ReplyDelete