Para sa bawat estudyanteng naghahangad na makamit ang pangarap.
Para sa bawat luhang pumapatak, pagod na iniinda, at tulog na hinahanap-hanap.
Para sa mga magulang na walang tigil sa pagsuporta sa mga anak.
At para sa bawat pangarap na nais makamtan.
Mangarap lang. Magpursigi lang. Patuloy lamang. Darating din tayo don, basta't maniwala ka lang.
Narito ang isang tula na handog para sa'yo.
Ang Buhay Estudyante
Sa bawat umagang dumarating,
Minsan kinakabahan, minsa'y mata'y nagniningning
Minsa'y pinagpapawisan dahil may quiz na darating
Hindi man komportable, papasok pa rin.
Sa ilalim ng ilaw sa gabi’y nagbubukas,
Kay daming babasahin, tila hindi nagwawakas
Pag-aaral sa asignatura, wagas na wagas
Makamtan lamang ang markang walang kupas.
Sa bawat pagsusulit may pawis na pumapatak,
Kulang sa tulog kaya mga binasa'y tila nagwatak-watak
Mata’y lumalabo sa mga gawaing sangkatutak
Ngunit ang mga natututunan nama'y may kapalit na galak.
Kahit pa malayo ang daang nilalakaran, walang reklamong bitbit,
Tinitiis ang layo at init ng araw dahil sa pangarap na nais makamit
Malayo pa pero malayo na rin ang narating
Ang tuktok ng tagumpay, akin ding mararating.
Ang buhay estudyante ay tunay na mahirap
Puno ng pagsubok at nadadapa ngunit pilit na humahalakhak
Dahil alam kong sa dulo ng hirap na ito ay may tagumpay na magdadala sa akin ng bago
Darating din ako sa punto kung saan ang mga bitbit kong pangarap ay makakamtan ko.