Isang lakbay-kaalaman para sa bawat estudyante at Pilipinong mambabasa.
Kung titignan natin ang mapa ng ating daigdig, mapapansin natin ang pitong mala-dambuhalang bloke ng lupain. Mas kikala natin ito sa tawag na kontinente.
Alam mo ba na iisang bloke ng lupa lamang ito noong unang panahon? Ang super continent na ito ay tinatawag na Pangaea. Tinatayang nasa 200 hanggang 335 milyong taon na ang nakakalipas mula nang nag-exist ito at panahon pa 'yon ng late Paleozoic at early Mesozoic era.
Sa kasalukuyang panahon, nahati na ito sa pitong kontinente na kilala natin sa tawag na: Asia, Africa, North America, South America, Antarctica, Europe, at Australia/Oceania.
Sa bawat kontinente, may sari-sariling heograpiya, wika, pagkain, relihiyon, at kulturang naghulma sa milyun-milyong taon ng kasaysayan. Bagama't merong pagkakaiba, pinagbubuklod naman tayo ng iisang daigdig. Ang lahat ng ito ang siyang bibigyang-pansin sa sulating ito.
{tocify} $title={Table of Contents}
Ang Pitong Kontinente ng Daigdig at ang kanilang Sukat | WorldAtlas
Kontinente | Tinatayang Sukat (km²) |
---|---|
Asya (Asia) | 44 579 000 |
Aprika (Africa) | 30 370 000 |
Hilagang Amerika (North America) | 24 709 000 |
Timog Amerika (South America) | 17 840 000 |
Antarctica | 14 200 000 |
Europa (Europe) | 10 180 000 |
Australia/Oceania | 8 525 989 |
Asya (Asia)
Ang kontinente ng Asya ang pinakamalaki sa pito. Binubuo ito ng mahigit 40 na bansa kabilang ang Pilipinas. Ayon sa National Geographic, humigit kumulang animnapung porsyenyo ng populasyon ng mundo ay matatagpuan sa Asya. Dito rin matatagpuan ang dalawa sa may pinakamalaking populasyon na bansa at ito ang China at India.
Ang pinakaginagamit na lenggwahe sa bahaging ito ay Mandarin, Hindi at Arabic. Maliban sa mga ito, marami pang ibang lenggwahe kagaya ng Filipino na wikang pambansa ng Pilipinas.
Ilan sa mga sikat na tanawin ay ang The Great Wall of China, Mount Fuji, Vigan Calle Crisologo, Mount Mayon, at iba pang mga tanawin. Ilan sa relihiyon dito ay Roman Catholic, Buddhism, Hinduism at Islam.
Ang mga sikat namang pagkain sa kontinenteng ito ay adobo at lechon ng Pilipinas, ramen at sushi ng Japan, kimchi at bibimbap ng Korea at marami pang iba.
Aprika (Africa)
Dito matatagpuan ang tinatawag na Cradle of Humankind. Sa Aprika rin nakita ang maraming fossils, sinaunang kagamitang, at iba pang bagay na nagpapahiwatig sa mga sinaunang tao sa mundo.
Binubuo ito ng 54 na bansa at kabilang dito ang Nigeria, South Africa, Botswana, Zimbabwe at Zambia. Ito ang pinakamainit na kontinente at pangalawa sa pinakatuyo. Mahigit kumulang dalawang libo naman ang wikang sinasambit dito.
Natatangi ang Aprika sa daigdig hindi lamang dahil ito ang pangalawang pinakamalaking kontinente, kundi dahil dito rin matatagpuan ang ilang pinakakamangha-manghang likas na tanawin at kasaysayan. Kabilang na dito ang Sahara Desert, Kilimanjaro, Nile River, at marami pang iba.
Hilagang Amerika (North America)
Pinapalibutan ng Arctic at Atlantic Ocean, ang Hilagang America ay tahanan rin ng mga naggagandahang dagat at tanawin. Dito matatagpuan ang Estados Unidos, Canada, at Mexico.
Ang mga wikang laganap dito ay Ingles, Espanyol, at Pranses. Dagdag dito, Kristiyanismo ang nangingibabaw na relihiyon sa Hilagang Amerika. Tinatayang mahigit kalahati ng populasyon ay Kristiyano.
Natatangi ang kontinenteng ito sa mga kamangha-manghang tanawin at tagumpay nito sa larangan ng agham at sining. Sa kalikasan, matatagpuan dito ang Grand Canyon ng Estados Unidos, Niagara Falls sa hangganan ng US at Canada, ang malawak na Rocky Mountains, at ang kulay-asul na karagatan ng Caribbean.
Timog Amerika (South America)
Ang kontinenteng ito ay ikaapat sa punakamalaki. Ang hugis nito sa mapa ay maihahalintulad sa isang trayanggulo.
Maliban sa Ingles, ang madalas na wikang ginagamit sa Timog Amerika ay ang Espanyol at Portuges. Karamihan ng mga bansang katulad ng Argentina, Chile, Peru, Colombia, at iba pa ay nagsasalita ng Espanyol. Samantalan, sa Brazil naman ay Portuges ang wikang pinakaginagamit.
Mahilig sa sayaw at musika ang mga tao rito. Maliban sa tanyag na samba ng Brazil at tango ng Argentina, nariyan pa ang cumbia ng Colombia at salsa ng Venezuela. Maliban dito, ang iba pang bagay at pook na matatagpuan dito ay ang sikat at malawak na malawak na Amazon Rainforest, Machu Picchu sa Peru na kilala bilang sinaunang lungsod ng mga Inca, at Moai ng Chile.
Antarctica
Dahil sa lamig ng klima lalo na sa gabi, halos walang naninirahan sa Antarctica. Ang isang simbolismo na ginagamit sa pagpapakilala ng kontinenteng ito ay ang mga penguins.
Natatangi ang kontinenteng ito dahil sa mga naglalakihang bloke ng yelo na siyang bumabalot sa kabuoan nito.
Bagama't wala itong lokal na populasyon o tradisyon, ang Antartika ay mahalagang kontinente bilang isang natural na laboratoryo kung saan pinag-aaralan ng mga tao ang pagbabago ng klima, kalawakan, at iba pang bagay sa mundo.
Europa (Europe)
Bagama't pangalawa sa pinakamaliit na kontinente base sa kabuoang sukat nito, ang Europa ay hindi naman nagpapahuli sa kultura at ganda.
Dito matatagpuan ang Vatican City na siyang pinakamaliit na bansa sa mundo. Dito rin makikita ang tahanan ng Santo Papa. Dagdag dito, Kristiyanismo ang pangunahing relihiyon. Ang mga pangunahing wika naman sa Europa ay Ingles, Espanyol, Pranses, Aleman, Italyano at marami pang iba.
Dito rin matitikman ang nagsasarapang pasta at pizza, baguette, at ilang sikat na alak. Maliban sa mga ito, tunay na natatangi ang Europa sa dami ng mga makasaysayang pook at ambag nito sa sining at agham.
Mula sa kolosseum ng Roma at Acropolis ng Athens, hanggang sa Eiffel Tower ng Paris at Big Ben ng London, punong-puno ang Europa ng mga makasaysayang pook.
Australia o Oceania
Ito ang may pinakamaliit na sukat ngunit kahit ganoon ay binubuo naman ito ng libu-libong naggagandahang isla at tanawin.
Pangunahing Kristiyanismo din ang relihiyon ng mga mamamayan dito dahil na rin sa impluwensya ng mga misyonerong dumating noong panahon ng kolonyalismo.
Maliban sa mga ito, dito pa matatagpuan ang mga kangaroo, koala, at platypus. Dito rin nakapwesto ang mga bansang kagaya ng New Zealand, Papua New Guinea at marami pang bata.
Huling Hirit
Sa kabuuan, ang pitong kontinente ng daigdig ay binubuo ng Asya, Aprika, Hilagang Amerika, Timog Amerika, Antartika, Europa, at Australia/Oceania. Ang bawat isa sa mga kontinenteng itp ay may kanya-kanyang natatanging katangian sa kultura, wika, pagkain, kasuotan, relihiyon, at iba pang aspeto.
Ang bawat isa ay nagbibigay ng mahalagang aral sa atin na sa kabila ng pagkakaiba-iba, tayo ay maaaring matuto at umunawa sa isa’t isa. Sana, sa pag-alam natin ng mga katangiang ito, ay lalo pa nating pahalagahan ang yaman at pagkakaiba-iba ng ating mundo.