Ang pagmamahal ng isang magulang ay hindi matutumbasan ng kahit alinmang bagay. Alin mang mangyari sa anak, hindi nila mapapatawad ang kanilang sarili.
Sa akdang Anim na Sabado ng Beyblade ni Ferdinand Pisigan Jarin, ang pag-ikot ng laruan ay sumisimbolo sa buhay ng pangunahing tauhan. Kung paanong naging simbolismo ito ay siyang tutuklasin.
Kaya naman sa sulating ito, ating aalamin ang isang akdang tila simpleng alaala ng pagkabata, ngunit nagtataglay ng mga aral tungkol sa pamilya, pagkakaibigan, at pagmamahal ng isang ama sa anak.
{tocify} $title={Table of Contents}
Buod ng Anim na Sabado ng Bleyblade
Bago sumapit ang mismong kaarawan ni Rebo, may kaganapan sa anim na magkakasunod na Sabado. Kagaya ng pag-ikot ng beyblade na siyang paborito niyang laruin, ang paghina ng ikot nito ay sumabay din sa agus ng kaniyang buhay.
Sa unang Sabado, pinilit ng tatay ni Rebo na gawing masaya ang araw kahit hindi pa niya totoong kaarawan. Sinikap niyang gawin itong pinakamasaya na Sabado para sa kaniyang anak. Nag-imbita siya ng mga tao at sinabing magdala ng maraming regalo, at samu’t saring laruan kagaya ng stuffed toys, de-remote control na laruang sasakyan, at higit sa lahat ay beyblade. Ngiting-ngiti ang bata sa piling ng kanyang mga laruan.
Sa ikalawang Sabado, panibagong selebrasyon ang natamasa ni Rebo. Siya ay nakibertdey naman sa iba, at masayang naglaro ng Beyblade kasama ang kanyang mga pinsan.
Pagsapit ng ikatlong Sabado, nagsimula na ang kinakatakot ng kaniyang ama. ito ay simula ng paghina ni Rebo. Ngunit bilang bata na naglalambing, humiling siya na bilhan siya ng kendi ng kaniyang ama.
Sa araw ding ito, nag-imbita ang kasamahan ng tatay niya sa trabaho ng isang mascot. Hindi man makatawa ng lubusan, mapapansin pa rin naman sa mata ni Rebo ang kaniyang kasiyahan. Tuluyan na rin siyang nakalbo dahil sa paglagas ng kaniyang buhok at pagsabunot sa kaniyang sarili.
Sa ikaapat na Sabado, kitang-kita na ang hirap ni Rebo. Kahit ang pagpasok ng pisi ng Beyblade ay hindi na niya magawa. Hindi na rin niya maipakita ang kaniyang dating sigla. Dinala nga rin siya ng ama sa karnabal pero isa lang ang pinili niyang sakyan at yon ang maliliit na tila helicopter na paikot-ikot at pataas-baba. Pagkababa ay agad ring nagyaya na umuwi.
Ang ikalimang Sabado ay huling Sabado ng Pebrero at saktong katapusan rin. Kasabay ng pagtatapos ng buwan ang pagpanaw ni Rebo sa yakap ng kanyang ama. Wala nang salitang binitiwan, tanging pagpatak ng luha at pagtirik ng mata ang iniwan niya bago tuluyang bumitiw ang kanyang hininga.
At sa pagsapit ng ikaanim na Sabado, nilabas na si Rebo sa ospital. Ngayon ay nakahimlay na siya sa loob ng kabaong, payapa, kasama ang paborito niyang Beyblade.
Sa anim na Sabadong ito, nagtapos ang lahat sa katahimikan. Ang batang minsang nagpasaya sa paligid ay tuluyan nang pumanaw at naroroon na sa lugar kung saan ay walang sakit, walang hirap, at kung saan ang bawat laro ay walang hanggan.
Basahin din: Mga Pandiwa sa Konteksto ng Pagsunod sa Batas Trapiko
Mensahe
Ang pangunahing mensahe na nais iparating ng akda ay parang umiikot lang na beyblade ang buhay. Darating ang punto na hihinto rin ito, hudyat na matatapos na.
Kung susuriin, ang Anim na Sabado ng Beyblade ay hindi lamang umiikot sa sandaling pagtransisyon ng masaya sa malungkot na pangyayari. Iba ang atake nito sa mga may dalang sugat na gustong maghilom. Ipinapaalala nitong ang natitirang sandali ay maari pa rin maging masaya.
Estilo ng Pagsusulat
Ang estilo ni Ferdinand Pisigan Jarin ay simple, malinaw, at may dalang malalim na emosyon. Ang paggamit niya ng mga karaniwang salita ay nagbigay ng kakaibang tibok sa kwento. Tila natural lamang na pagsasalaysay ng mga pangyayari ngunit nakakaantig at kapupulutan ng aral. Nag-iiwan ng bakas sa puso at isipan na siyang pagninilayan ng bawat mambabasa.
Huling Hirit
Sa bawat Sabado sa buhay ni Rebo, may saya, may laro, may mga regalong nagbibigay ngiti sa kanya. Pero habang lumilipas ang mga Sabado, unti-unti rin siyang nanghina. Dumating ang huling Sabado na hindi na niya kayang laruin ang paborito niyang beyblade hanggang siya ay namaalam ng mapayapa at wala nang sakit.
Masalimuot ang naging takbo pero nag-iwan ito ng mensaheng nagtatak ng aral sa atin.
Ang pag-ikot ng buhay ay minsan mabilis, minsan mabagal, at sa huli, titigil din.
Ang mahalaga ay kung paano natin sinasabuhay ang bawat ikot. Sa kaso ni Rebo, naging sapat na ang mga ngiting ibinibigay ng bawat Sabado. Naging maikli man, napuno pa rin ng mga makabuluhang pangyayari.